NEWS

UNP, KWF lumagda sa kasunduan para sa pagpapatuloy ng Sentro ng Wika at Kultura

Pormal na pinagtibay ng University of Northern Philippines at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang kanilang pagtutulungan sa pagpapatuloy ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa unibersidad sa pamamagitan ng paglagda sa isang memorandum of understanding noong Oktubre 15, 2026 sa UNP.

Layunin ng kasunduan na palakasin ang pagsusulong, pangangalaga, at pagpapayabong ng wikang Filipino at kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga programang pangwika at pangkultura, pananaliksik, pagsasanay, at iba pang inisyatibang magsisilbi sa mga guro, mag-aaral, at komunidad.

Sa maikling programang isinagawa kaugnay ng paglagda, ipinakilala ni Bb. Ariane Diaz, Administrative Assistant III at Tagapamahala ng SWK-Luzon, ang konsepto at mga layunin ng Sentro ng Wika at Kultura. Sinundan ito ng pambungad na pagbati ni Dr. Nancy Ubilas, bago ang mga mensahe nina Atty. Marites Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF, at Dr. Erwin Cadorna, Pangulo ng UNP, na kumatawan sa kani-kanilang institusyon.

Lumagda sa kasunduan sina Atty. Barrios-Taran para sa KWF at Dr. Cadorna para sa UNP. Nagsilbing mga saksi sa makabuluhang seremonya sina Ms. Sarah Taran, Executive Assistant IV ng KWF, at Dr. Rolando Navarro, Pangalawang Pangulo para sa mga Gawaing Akademiko ng UNP, kasama sina Dr. Novelyn Barcena at Dr. Juvelyn Almachar.

Bilang bahagi ng programa, ipinagkaloob din ng KWF sa UNP ang mga aklat mula sa Aklat ng Bayan, na magsisilbing karagdagang sanggunian para sa pagtuturo, pag-aaral, at pananaliksik sa wikang Filipino at kulturang Pilipino.

Sa ilalim ng kasunduan, magkatuwang na isusulong ng KWF at UNP ang mga programang magpapalawak sa kakayahan at serbisyo ng SWK. Kabilang sa mga tungkulin ng KWF ang pagsasagawa ng mga pagsasanay at oryentasyon para sa mga magiging pinuno at kawani ng sentro; pagkakaloob ng mga aklat, sanggunian, babasahin, poster, at iba pang materyales; at pagbuo o pagtulong sa pagbuo ng mga gawaing magpapasigla sa mga programang pangwika at pangkultura ng unibersidad.

Nakatakda ring tumulong ang KWF sa pagsusuri at pagpapatibay ng mga proyekto at taunang programa ng SWK, pagbibigay ng teknikal na patnubay, pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga proyekto, at paghikayat ng pambansang suporta para sa mga inisyatiba ng sentro. Bahagi rin ng tungkulin nito ang pakikibahagi sa adyendang pampananaliksik ng unibersidad, lalo na sa mga pananaliksik at gawaing may kaugnayan sa mga wika at kultura ng mga katutubo.

Samantala, pananagutan ng UNP ang paglalaan ng angkop na tanggapan at mga kinakailangang pasilidad, suplay, at serbisyong administratibo para sa pang-araw-araw na operasyon ng SWK. Magtatalaga rin ang unibersidad ng direktor, katuwang na direktor, at mga kinakailangang kawani, gayundin ng mga mananaliksik at iba pang tauhan para sa mga natatanging proyekto ng sentro. Sisikapin ding makakuha ng tulong mula sa mga mag-aaral na sumasailalim sa on-the-job training at sa mga gurong nagtuturo ng Filipino.

Kabilang pa sa mga pananagutan ng UNP ang paunang pagsusuri sa taunang programa at badyet ng SWK, alinsunod sa mga umiiral na proseso ng pag-apruba ng unibersidad; paglalaan ng pondo para sa paglahok ng direktor sa mga programa at aktibidad ng KWF; at pagkakaloob ng mga sipi ng pananaliksik, publikasyon, tesis, disertasyon, at iba pang kaugnay na materyales para sa koleksiyon ng Aklatang Balmased ng KWF.

Nakasaad din sa kasunduan ang pagdalo ng direktor sa buwanang online na pagpupulong ng mga direktor ng SWK sa buong bansa, pag-endorso ng mga kalahok sa mga taunang timpalak at gawad ng KWF, at pagsasagawa ng Seminar sa Korespondensiya Opisyal bilang bahagi ng pagsunod sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 at pagsisikap na makamit ang Antas 1 ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko. Kabilang din sa mga inisyatiba ang paglalagay ng mga inset sa Filipino Sign Language sa mga programang institusyonal at paghikayat sa iba pang pampubliko at pampribadong unibersidad na magtatag ng sarili nilang SWK.

Sa pamamagitan ng mga itinakdang tungkulin, inaasahang magkakaroon ng mas organisado at sustenableng mekanismo para sa pagpapatupad ng mga programang pangwika at pangkultura sa UNP, kasabay ng pagpapalawak ng mga pagkakataon para sa pananaliksik, paglikha ng mga materyales, at pakikilahok ng akademikong komunidad sa pangangalaga ng pamana ng bansa.

Sa kanyang pangwakas na mensahe, binigyang-diin ni Dr. Santiago Reolalas, guro at tagapangasiwa ng SWK sa UNP, ang kahalagahan ng pagtutulungan ng dalawang institusyon sa pagsasakatuparan ng kasunduan. Kinikilala ang kanyang naging papel sa pagsusulong ng inisyatibang ito, na nagbukas ng pagkakataon upang higit na mapalawak ang mga programang pangwika at pangkultura sa unibersidad.

Sa pagpapatuloy ng Sentro ng Wika at Kultura, pinagtitibay ng UNP at KWF ang kanilang magkatuwang na tungkulin sa pagtataguyod ng wikang Filipino, pagpapahalaga sa pagkakaiba-iba ng mga wika at kultura sa bansa, at paglikha ng mga programang mag-uugnay sa edukasyon, pananaliksik, at pangangalaga sa pambansang identidad.

Share:

Latest Updates