NEWS

MAT-Fil, nakiisa sa Seminar sa Filipino at AI para sa Makabagong Pagtuturo at Pananaliksik

Aktibong nakiisa ang mga mag-aaral at guro ng Master of Arts in Teaching Filipino (MAT-Fil) mula sa Kolehiyo ng Edukasyong Pangguro (CTE) ng University of Northern Philippines (UNP) sa isinagawang “Seminar sa Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Makabagong Pagtuturo at Pananaliksik” noong Agosto 29, 2026, sa Tadena Hall.

Sa pangunguna ni Dr. Novelyn T. Barcena, tagapangulo ng programang MAT-Fil, dumalo ang delegasyon sa nasabing seminar upang palalimin ang kanilang kaalaman at kasanayan sa integrasyon ng artificial intelligence (AI) sa larangan ng edukasyon at akademikong pagsulat.

Inorganisa ng Departamento ng Wika at Humanidades (DLH) ng Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS) ang seminar bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2026, na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”

Naging pokus ng talakayan ang iba’t ibang dimensyon ng AI sa akademikong espasyo. Tinalakay ni Dr. Harold I. Costales mula sa Kolehiyo ng Teknolohiyang Impormasyon at Kompyuter (CCIT) ang paksang “Pundasyon ng Bukas: Pag-unawa sa Kalikasan at Etika ng AI sa Digital Age.”

Sinundan ito ng talakayang “Inobatibong Pedagohiya: Paggamit ng AI para sa Inklusibong Pagkatuto sa Kolehiyo,” na ibinahagi ni Dr. Joey-Nell T. Marzan mula sa CTE.

Binigyang-diin naman sa huling bahagi ng seminar ang agenda sa pananaliksik sa pamamagitan ng paksang “Adyendang Pananaliksik sa Filipino sa Panahon ng AI,” na iniharap ni Dr. Jonathan V. Geronimo mula sa Unibersidad ng Pilipinas at Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino.

Sa pamamagitan ng pakikilahok na ito, pinatunayan ng mga kasapi ng MAT-Fil na ang mga nagpapakadalubhasa sa wikang Filipino sa UNP ay patuloy na yumayakap sa makabagong teknolohiya upang itaguyod ang higit na mahusay na pagtuturo at makabuluhang pananaliksik sa Filipino.

Artikulo ni Jamelle Frances Realin

Share:

Latest Updates