NEWS

Buwan ng Wika 2025, Pormal na Inilunsad ng CTE

Pormal na inilunsad ng College of Teacher Education (CTE) ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025 noong ika-11 ng Agosto sa Ground Floor ng Academic Building. May temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika, Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” layunin ng selebrasyon na higit pang palaganapin ang kahalagahan ng wikang Filipino at mga katutubong wika bilang mahalagang salik sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.

Dinaluhan ang programa ng mga mag-aaral at guro ng CTE, at sinimulan ito sa isang panalangin na pinangunahan ni Jaja Gina Fernandez, isang ika-apat na taon na mag-aaral sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Filipino.

Sa paunang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Novelyn Barcena, Program Head ng Master of Arts in Teaching Filipino, ang kahalagahan ng wika sa pagbubuklod ng bansa. Ayon sa kanya, ang sariling wika at ang mga katutubong wika ay sumasalamin sa pagkakakilanlan ng bawat Pilipino. Hinikayat niya ang lahat na patuloy na pagyamanin at gamitin ang wika hindi lamang sa araw-araw na pakikipag-usap kundi maging sa larangan ng akademya.

Naging masigla ang pagdiriwang sa pamamagitan ng iba’t ibang intermisyon mula sa mga mag-aaral at guro. Tampok sa mga pagtatanghal ang mga awitin, tradisyonal na sayaw, at presentasyon ng mga katutubong kasuotan—na nagpamalas ng pagmamalaki sa kulturang Pilipino.

Sa ikalawang bahagi ng programa, isinagawa ang Barrio Fiesta Salo-Salo kung saan inihain ang mga pagkaing Pilipino tulad ng bibingka, suman, kamoteng kahoy, kaskaron, at puto. Ang mga pagkaing ito ay sumisimbolo sa mayamang tradisyon at kultura ng bansa.

Bilang pagtatapos, nagbigay ng panapos na mensahe si Cristel Jem Parada, Ka-pangulo ng Kapisan ng mga Guro at Magiging Guro sa Filipino. Aniya, ang selebrasyong ito ay hindi lamang simpleng paggunita sa Buwan ng Wika, kundi isang mahalagang pagpapahayag ng pagkakaisa at pagmamahal sa ating wika at kultura.

Isinulat ni Anastacia B. Joven

Share:

Latest Updates