Sa diwa ng pagpapahalaga at patuloy na paggamit ng wikang Filipino, ipinagdiwang ng Department of Languages & Humanities ang Buwan ng Wika 2025 noong Agosto 29, 2025 sa UNP Guestel na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa”. Layunin ng taunang pagdiriwang na ipakita na ang wika ay hindi lamang daluyan ng kaisipan kundi isang mahalagang sandigan ng pambansang pagkakaisa at pagkakakilanlan.
Dalawang panauhing tagapagsalita ang nagbigay nang makabuluhang mensahe. Ayon kay G. Jhon Paul Ric B. Corpuz, guro ng Ilocos Sur National High School na, “Walang kasaysayan kung wala ang wika at walang kinabukasan kung hindi natin pagyayamanin ang sariling wika. At ang wika ang sisidlan, impukan at salalayan ng kaalamang bayan at ng ating lahi.” Sinundan siya ni Bb. Danilyn C. Abelinde,guro ng Narvacan National Central High School na nagsabing, “Ang multilingguwalismo ay hindi lamang tungkol sa kakayahang magsalita ng iba’t ibang wika. Ito ay tungkol sa pagpapayaman ng ating kamalayan, pagpapalalim ng ating pananaliksik at pagbubukas ng mas maraming pintuan ng kaalaman.”
Ipinahayag ng mga guro ng DLH sa pamumuno ni Prof. Allen de Vera ang kanilang kasiyahan sa makabuluhang talakayan ng dalawang tagapagsalita. Sa pagtatapos ng palihan muling pinatibay ng lahat ang pagmamahal at pagpapahalaga sa wikang Pambansa bilang mahalagang sandigan ng sambayanang Pilipino.
Article by: Dr. Mae Oliva Piano