Idinaos ng College of Teacher Education (CTE) ang panapos na gawain para sa Buwan ng Wika 2025 na ginanap sa UNP Auditorium, Agosto 27, 2025 na may temang “Paglilinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.”
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Ma. Teresa Susan Manzano, Dekana ng CTE, ang halaga ng wika sa pagkakaisa ng bansa.
“Ang wika ay hindi lamang daluyan ng ating kaisipan at damdamin; ito ay susi sa pagkakaunawaan at pagkakaisa ng bawat Pilipino. Sa bawat salitang binibigkas, sumasalamin ang ating kasaysayan, kultura at pagiging tunay na Pilipino. Kaya naman, tungkulin natin itong linangin, ingatan at ipagmalaki,” aniya.
Sa mga intermisyon, ipinakita ng ilang mga mag-aaral ang kanilang kahusayan sa pagpapamalas ng katutubong sayaw, sabayang pagbigkas at musical drama. Iba’t ibang patimpalak ang ginanap at iginawad ang mga sertipiko sa mga nanalo sa mga sumusunod: Sa Choir Competition, nanalo ang Professional and Future English Teachers Association (PROFETA), Paglikha ng Meme- Leslie Ann Palecpec; Panagsurat iti Daniw- Bb. Mauie Arcaina; Photo Essay – G. Gian Carl Raposas. Sa Best in Filipiniana Attire (lalake), nanalo sina G. Rhian Aedrick Pe Benito, G. Jan Nathaniel Yadao at G. Reynel Bista. Sa Best in Filipiniana Attire (babae), ang nagwagi ay sina Bb. Marthina Adlao, Charlene Ponce, Mary Lyanna Taal, Neisha Kwayne Puglay at Princess Frando.
Ang panapos na mensahe ay ibinigay ni Dr. Nancy Ubilas, isang guro sa BSED Filipino sa pamamagitan ng tatlong salita, ito ay ang pasasalamat, pagpupugay at pagpapatunay. Pasasalamat sa lahat ng mga guro at mag-aaral na sumuporta sa programa. Pagpupugay sa lahat ng mga mag-aaral na bukal ang pusong itanghal ang ipinagmamalaking sining at kultura. Pagpapatunay sa tema ng Buwan ng Wika na napakahalaga ang wikang katutubo at wikang Filipino sa usaping pagkakakilanlan at pagkakaisa.
Article byAnastacia Joven.